Hindi isinasantabi ng Office of Civil Defense (OCD)ang posibleng magsabay ang epekto ng pag-aalburoto ng bulkang Kanlaon at ang pananalasa ng bagyo.
Dahil dito, pinaghahanda ng OCD ang publiko sa “worst-
case scenario” kung sakaling mangyari man ito.
Inatasan na ni Civil Defense Administrator Ariel Nepomuceno ang OCD Western Visayas na pabilisin ang mga paghahanda upang matiyak ang kaligtasan ng mga posibleng maapektuhang komunidad.
Nanawagan din ang OCD administrator sa mga LGU na bilisan pa ang preemptive at risk mitigation measures.
Kahapon may naitalang tatlong “ashing” event at 28 volcanic earthquake sa Bulkang Kanlaon at naglabas din ng tone-toneladang ashfall.
Sa panig ng PAGASA, naging ganap nang isang bagyo ang low pressure area sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Pinangalanan itong bagyong #NikaPH na huling namataan sa Silangan ng Timog-Silangan ng Luzon.| ulat ni Rey Ferrer