Nadagdagan pa ang mga lugar na inilagay sa Tropical Cyclone Wind Signal no. 1 at 2 dahil sa banta ng bagyong Marce.
Sa 5am weather bulletin ng PAGASA, napanatili ng bagyong Marce ang lakas nito habang patuloy na kumikilos pa-hilagang kanluran sa Philippine Sea.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 345 km silangan ng Tuguegarao City, Cagayan taglay ang lakas ng hanging aabot sa140 km/h malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 170 km/h.
Nakataas na ang Signal no. 2 sa mga eastern portion ng Babuyan Islands (Camiguin Island, Babuyan Island,) at northeastern portion ng mainland Cagayan (Santa Ana, Gonzaga, Lal-Lo, Santa Teresita, Buguey).
Habang Signal no. 1 sa Batanes, nalalabing bahagi ng Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, northern portion ng Benguet (Mankayan, Buguias, Kabayan, Bakun, Kibungan, Atok, Bokod), Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, at northern portion ng Aurora (Dilasag, Casiguran, Dinalungan, Dipaculao, Baler, Maria Aurora).
Nakataas na rin ang banta ngayon ng storm surge na maaaring umabot sa 2-3 metro sa mga mababang lugar sa Batanes, Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Isabela, Ilocos Norte, at Ilocos Sur.
Sa kasalukuyang forecast track, maaaring mag-landfall o dumaan malapit sa Babuyan Islands o hilagang bahagi ng mainland Cagayan mula Huwebes ng hapon hanggang Biyernes ng umaga.
Lalabas naman ito sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Biyernes ng gabi. | ulat ni Merry Ann Bastasa