Ikinabahala ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ulat hinggil sa umano’y pagtatapon ng black sand sa West Philippine Sea.
Ito’y kasunod ng pagbubunyag ni Senador Raffy Tulfo hinggil sa operasyon ng black sand mining sa Zambales na dinadala umano sa China.
Dagdag pa ng Senador, ang mga hindi naprosesong black sand ay itinatapon umano sa West Philippine Sea, dahilan upang ipasilip ito sa Department of the Environment and Natural Resources (DENR).
Ayon kay Philippine Navy Spokesman for the West Philippine Sea, Rear Adm. Roy Vincent Trinidad, bagaman may natatanggap na silang ulat, ipinauubaya na nila sa kinauukulang ahensya ang usapin.
Gayunman, inamin ni Trinidad na ang ikinababahala nila ay makaaapekto sa military operations sakaling mapatunayang tinatapon nga sa West Philippine Sea ang mga hindi naprosesong buhangin. | ulat ni Jaymark Dagala