Nagkakaisa ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) at Moro National Liberation Front (MNLF) sa pagpapalakas ng kakayanan para sa kapayapaan at kaunlaran.
Ito’y makaraang i-turnover ng OPAPRU ang nasa ₱25 milyong halaga ng mga farm equipment sa MNLF sa isang seremonya na isinagawa sa Mindanao State University sa General Santos City.
Kabilang sa mga ipinamahagi ng OPAPRU ay ang walong tractors, anim na rice combine harvesters, corn sheller, at iba pang mga makina bilang bahagi ng transformation program ng pamahalaan.
Ayon sa OPAPRU, naka-angkla ang nasabing programa sa socio-economic provisions ng 1996 Final Peace Agreement sa MNLF na layong bigyan ng maginhawang buhay ang mga MNLF combatant at kanilang pamilya sa pamamagitan ng pagiging produktibo.
Pinangunahan ni OPAPRU Secretary Carlito Galvez Jr. ang turnover ceremony na dinaluhan din nila MNLF Chair, Minister Muslimin Sema at MSU-General Santos City Chancellor, Atty. Shidik Abantas.
Inaasahang makatutulong ang mga nasabing kagamitan para paunlarin ang sektor ng agrikultura sa mga pamayanan sa North Cotabato, Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, Cotabato City, Sultan Kudarat, at Sarangani. | ulat ni Jaymark Dagala