Sinusuyod na rin ng Philippine National Police (PNP) ang mga online platform laban sa mga nangyayaring iligal na bentahan ng paputok sa cyberspace.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Police Colonel Jay Guillermo, na mula pa noong Nobyembre, hindi na tinigilan ng PNP ang ginagawa nilang cyber patrolling at panghuhuli.
“Sa kasalukuyan po simula noong November nagsimula na tayo ng cyber patrolling at noong nakaraang araw nga ay mayroon din tayong nahuli ulit.” —Guillermo
Nasa 10 operasyon na aniya ang naipatupad ng PNP Anti-Cybercrime Group laban sa pagbibenta ng paputok sa online.
Kaugnay naman sa mga nagkalat na videos sa social media na nagtuturo kung paano gumawa ng improvised cannons at boga, ayon sa opisyal bumababa na sila sa mga barangay upang mapalakas ang kampanya kontra boga sa mga komunidad.
“May kautusan ang ating PNP, inutusan niya ang mga local police na iinspeksyunin o alamin o kausapin iyong mga barangay na dapat walang magpapaputok o gagawa noong boga, ewan ko kanyon ba ang tawag nila diyan – dapat walang ganoon kasi hindi natin alam kung hanggang saan ang abot na disgrasya ang idudulot nito doon sa mga gumagamit at saka iyong kung saan mo man itapat iyan sa sobrang lakas niyan puwedeng nakakabingi din.” —Guillermo | ulat ni Racquel Bayan