Punuan na ang biyahe patungong Norte dito sa Victory Liner sa Cubao, Quezon City.
Ayon sa dispatcher, mula pa noong weekend ay fully booked na ang biyahe hanggang sa bisperas ng Pasko sa December 24, 2024.
Marami na ring mga pasaherong nagsiluwas sa probinsya nitong Sabado at Linggo.
Sa kabila nito, inaasahan ng terminal ang dagsa pa ng mga pasahero simula mamayang tanghali. Posible raw kasi na ang ilan ay nag-halfday muna sa trabaho at mamaya pa bibiyahe.
May nakahanda namang extra bus ang Victory Liner upang umagapay sa mga pasaherong nais makauwi sa probinsya.
Posible na raw silang magdagdag ng trip kada sampung minuto kapag dagsa ang mga pasahero.
Wala namang taas-pasahe na ipinatutupad ang Victory Liner para sa mga biyahe nito ngayong holiday season. | ulat ni Marry Ann Bastasa