Pinasisiguro ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Budget and Management (DBM) ang kakailanganing budget para sa pagpapatuloy ng pagtugon ng pamahalaan sa pinakahuling aktibidad ng Bulkang Kanlaon.
“Inatasan ko na ang Department of Budget and Management na magpalabas ng pondo para sa mga nasalanta. Patuloy din nakaalerto ang DOH laban sa mga sakit dulot ng volcanic ash.” -Pangulong Marcos.
Sa inilabas na mensahe ng pangulo, tiniyak nito na una nang naka-handa na ang food packs at iba pang non food items na kakailanganin ng mga apektado ng bulkan.
“Ang matagal ng forward-deployed na relief items ng DSWD, tulad ng mga family food pack at non-food items, ay ibubuhos natin sa mga evacuation center. Kasama dito ang malinis na tubig, sleeping at hygiene kit.” -Pangulong Marcos.
Habang ang Department of Health (DOH), nakabantay na rin sa mga sakit na maaaring idulot ng volcanic ash sa mga dadapuan o makalalanghap nito.
“Nakahanda rin po ang DOH na magbigay ng serbisyo. Mula Maynila, kasado na ang pag-airlift ng dagdag na gamot kung kinakailangan.” -Pangulong Marcos.
Ang NDRRMC at Task Force Kanlaon, mahigpit na ang ginagawang pagbabanatay sa pinakahuling aktibidad ng bulkan, upang mapaghandaan ang pinaka-huling pangyayari.
Pagsisiguro ng pangulo, naka-high alert na ang lahat ng unitng AFP, PNP, at Bureau of Fire Protection sa buong isla ng Negros, at sila ang unang tutugon sa anomang pangangailangan.
“Sa mga kababayan natin na apektado ng pagputok ng Kanlaon, nandito po ang inyong pamahalaan na handang tumulong sa inyo. Kung gaano man katindi ang bangis ng bulkang ito, ganun din ang kalinga na aming ipapaabot.” -Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan