Sa gitna ng inaasahang dagsa ng mga biyahero ngayong Kapaskuhan, personal na ininspeksyon ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista ang mga pangunahing paliparan at pantalan sa bansa.
Layunin nito na tiyaking maayos ang operasyon at handa ang mga terminal sa pagdami ng pasahero ngayong holiday season.
Ayon kay Bautista, mahalagang masiguro ang kaligtasan at kaginhawaan ng publiko lalo na’t inaasahan ang mas mataas na bilang ng mga magbabakasyon tuwing may mga ganitong kaganapan sa bansa.
Pinaalalahanan din nito ang mga bus at shipping companies na sumunod sa tamang scheduling at kapasidad upang maiwasan ang delay at aberya.
Patuloy namang ipinatutupad ng ahensya ang “Oplan Biyaheng Ayos” na nagbibigay ng assistance sa mga terminal para sa mabilisang tulong sa mga pasahero kasabay ng pagpapatupad ng full alert sa lahat ng paliparan, pantalan, at bus terminals ngayong holiday season hanggang Enero 3, 2025.
Bilang bahagi rin ng inspeksyon, binigyang-diin ni Bautista ang kahalagahan ng koordinasyon ng mga ahensya na nasa ilalim nito tulad ng Philippine Coast Guard (PCG) at Land Transportation Office (LTO) upang masigurong maayos ang holiday travel experience ngayong taon. | ulat ni EJ Lazaro