Asahan na ang pinaigting na operasyon ng Special Action and Intelligence Committee on Transportation (SAICT) sa kahabaan ng EDSA busway lalo na ngayong holiday season.
Sa isinagawang operasyon kaninang umaga, hindi bababa sa 15 motorista ang sinita at binigyan ng ticket dahil sa kanilang hindi awtorisadong pagdaan sa EDSA Busway sa Santolan, Quezon City.
Katuwiran ng mga motorista, nagmamadali sila na makapunta sa kanilang destinasyon dahil sa mabigat na daloy ng trapiko.
Ang ilan sa kanila, alam ang paglabag habang ang iba naman ay nagmamaang-maangan pa at ang iba ay sinabing mag-oovertake lamang at babalik din sa kanilang linya.
Bukod sa mga naka-motorsiklo, mayroon ding isang ambulansya ang sinita dahil sa walang dispatch order na siyang kailangan para makaraan sa busway.
Dahil dito, nasa ₱5,000 ang ipinataw na multa para sa mga nasa unang paglabag. | ulat ni Jaymark Dagala