Pinangunahan ni Speaker Martin Romualdez ang inagurasyon ng Bagong Bayaning Mandirigma (BBM) Casualty and Cancer Care Center sa V. Luna Medical Center.
Sa kaniyang mensahe, iginiit ng House leader na hindi lang ito basta ospital ngunit isa ring tahanan ng pag-asa at simbolo ng malalim na pagtanaw ng pamahalaan sa sakripisyo at pagseserbisyo ng kasundaluhan
“The BBM Center represents the nation’s deep appreciation for the sacrifices of our soldiers—our bayaning mandirigma—who risk their lives every day to protect our people and sovereignty,” saad niya
Partikular na seserbisyuhan ng BBM Casualty and Cancer Care Center ang mga advanced medical services, kasama ang cancer patients at nangangailangan ng specialized casualty care.
“I assure you, you are not just in good hands but in the best of hands. You will be getting the best, hindi lang first-class pero world-class medical facilities and attention here at V. Luna. Ang Cancer Care at Casualty Support na hatid ng pasilidad na ito ay simbolo nang pagkalinga sa inyong lahat. Kayo, na araw-araw ay itinataya ang buhay para sa sambayanang Pilipino,” dagdag niya.
Inanunsyo na rin ni Romualdez sa mga sundalo na pasok sa 2025 National budget ang mas mataas na subsistence allowance nila na nasa P350 kada araw o P10,500 kada buwan.
“Maliit man ito kumpara sa inyong sakripisyo, ito ay unang hakbang pa lamang sa pagkilala namin sa inyong kabayanihan. Asahan ninyo na gagawin namin ang lahat upang palawakin pa ang inyong mga benepisyo,” pagtiyak niya.
Bilang pamasko naman may P20 million na inilaan para sa lahat ng pasyente na naka-admit sa araw na iyon sa ospital, ibig sabihin, zero-billing o wala na silang babayaran.
Nagpaabot din siya ng P100,000 sa limang sundalo na may major injuries at pawang mula Philippine Army.
Ang 24 na iba pa ay nakatanggap naman ng P10,000 na financial assistance. | ulat ni Kathleen Forbes