Sa harap mismo ng House leadership ay siniguro ng Armed Forces of the Philippine ang kanilang patuloy na katapatan sa gobyerno at sa Saligang batas.
Sa courtesy call ng 17 heneral at senior flag officers ng AFP kay Speaker Martin Romualdez nitong Martes, inihayag ni Lt. Gen. Ferdinand Barandon, commander ng Armed Forces Intelligence Command, na manantiling propesyunal at mission-focused ang AFP.
“The Armed Forces will remain professional, mission-focused, and always supportive of duly-constituted government,” sabi ni Barandon.
Idinagdag pa ni AFP Deputy Chief of Staff Lt. Gen. Jimmy D. Larida na laging nasa likod ng pamahalaan ang Sandatahang Lakas.
“We commit to the Constitution and the duly-constituted authorities. We will watch your back,” diin ni Larida.
Bilang tugon, nangako rin ang Kamara, sa ilalim ng liderato ni Speaker Martin Romualdez ng pinaigting na suporta para sa Sandatahang Lakas, kasama na ang pagpopondo sa modernization program at pinataas na daily subsistence allowance na hindi bababa sa P350.
Umaasa ang Kamara na masuportahan ng Senado ang hakbang na ito alinsunod sa atas ng Pangulpng Ferdinand R. Marcos Jr.
“Sa bersyon ng 2025 national budget ng Kongreso, naglaan tayo ng pondo para sa ₱350 daily subsistence allowance na ating isinulong alinsunod sa kautusan ni Pangulong Marcos upang matulungan ang ating mga sundalo. Kung susuportahan po ng Senado ang ating panukala at madagdagan pa ang pondo, mas maganda para sa kapakanan ng ating mga sundalo,” diin ni Speaker Romualdez. | ulat ni Kathleen Forbes