Natuklasan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang ilang mga labi ng tao sa Purok 5, Barangay Baluntay, Alabel, Sarangani Province noong December 25.
Ayon kay PNP-CIDG Acting Director, Police Brigadier General Nicolas Torre III, nagsagawa sila ng paghuhukay matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang confidential informant tungkol sa pinaghihinalaang pinaglilibingan ng mga biktima ng salvage.
Kinilala ng isang testigo ang isa sa mga labi na umano’y si Jomar Abedin Ubpon, isang residente ng Bentung, Polomolok, South Cotabato.
Siya umano ay nawawala ng dalawa hanggang tatlong buwan na at huling nakitang nakasakay sa isang puting motorsiklo.
Tiniyak ni General Torre, na hindi titigil ang PNP-CIDG hanggang matuklasan ang katotohanan at mapanagot ang mga salarin.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng PNP-CIDG sa lugar ng krimen. | ulat ni Diane Lear