Ipinauubaya na ng Department of Justice (DoJ) kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang magiging kapalaran ni Mary Jane Veloso.
Ito’y kasunod na rin ng panawagan ng pamilya ni Mary Jane sa Pangulo na gawaran na lamang ito ng Executive Clemency matapos na maka-uwi sa Pilipinas para dito bunuin ang kaniyang sentensya.
Ayon kay Justice USec. Raul Vasquez, prerogatiba ng Pangulo ang pagbibigay ng Clemency.
Kaugnay nito, pinaliwanag ni Vasquez na “life imprisonment” ang bubunuin ni Veloso dahil ang nawala lang naman sa kanya ay ang pataw na death penalty.
Itatrato rin si Veloso bilang ordinaryong preso at igagawad din sa kaniya ang mga kaparehong karapatan na ibinibigay sa mga Person Deprived of Liberty (PDL).
Samantala, sinabi ni Vasquez na magandang regalo sa bansa at kanyang pamilya ang pag uwi ni Veloso sa bansa na napapanahon sa pagdiriwang ng Pasko. | ulat ni Jaymark Dagala