Ipinatanggal ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang 115 social media accounts na nagbebenta ng iligal na paputok online.
Batay sa datos ng PNP-ACG, kabilang sa mga tinanggal ang 59 na Facebook accounts, 54 na X o dating Twitter accounts, isang website, at isang Spotify account.
Ayon kay PNP-ACG Acting Chief Brigadier General Bernard Yang, patuloy ang pagsasagawa ng PNP-ACG ng cyber patrolling upang subaybayan ang mga iligal na gawain sa internet.
Sa nakalipas na dalawang linggo, mula December 6 hanggang 26, umabot na sa walong operasyon ang naisagawa ng PNP-ACG kung saan 10 indibidwal ang naaresto.
Nakumpiska rin ang mga paputok na nagkakahalaga ng mahigit P70,000.
Ayon naman kay PNP-ACG Spokesperson Lieutenant Wallen Arancillo, kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Republic Act 7183 o ang batas na nangangasiwa sa pagbebenta, paggawa, pamamahagi, at paggamit ng paputok.
Sa ngayon, nasa 208 pang social media platforms ang binabantayan ng PNP-ACG. | ulat ni Diane Lear