Ipinag-utos ng Task Force Kanlaon ang mandatory evacuation sa mga residenteng nakapaloob sa 6-kilometer Permanent Danger Zone (PDZ) sa paligid ng Bulkang Kanlaon.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council – Office of Civil Defense (NDRRMC-OCD), ito ay kasunod na rin ng tumataas na aktibidad sa naturang bulkan sa nakalipas na mga araw.
Inaasahang makukumpleto ngayong araw, December 16, ang paglilikas sa mga residenteng nakatira sa paligid ng bulkan lalo na sa mga nasasakupan ng mga lalawigan ng Negros Oriental at Negros Occidental.
Partikular na apektado nito ang mga residente sa La Castellana, La Carlota City, Bago City, San Carlos City, at Canlaon City.
Gayunman, magpapatuloy ang Entry/Exit window hours mula alas-6 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon para sa mga residenteng may naiwang pananim at alagang hayop na maaari nilang balikan para tingnan.
Subalit paglagpas ng nasabing mga oras ay wala nang papayagan pang makalabas at makapasok sa loob ng PDZ.
May nakalagay na ring Emergency Pick-up points para sa mga Internally Displaced Person (IDP) na maiipit sa sandaling pumutok muli ang bulkan.
Pinakikilos din ang mga barangay gayundin ang lokal na pamahalaan na maglabas ng mga kautusan upang masiguro ang kaligtasan ng lahat. | ulat ni Jaymark Dagala