Anim na araw bago ang Pasko, nagsimula na ring magmahal ang presyo ng mga ibinebentang kakanin sa Lungsod ng Marikina.
Sa Marikina Public Market halimbawa, ₱20 hanggang ₱30 ang itinaas sa presyo ng ilang mga kakanin.
Ayon sa mga nagtitinda ng kakanin, nagtaas din ng presyo ang ilang gumagawa ng kakanin sa Brgy. San Roque kung saan sila humahango.
Ang dahilan anila nito ay ang pagmahal din ng presyo ng mga sangkap sa paggawa ng kakanin gaya ng malagkit na bigas at asukal.
Dahil dito, pumalo na sa ₱300 ang isang malaking bilao ng Puto Biñan mula sa dating ₱270, ang malaking kahon naman ng Bibingka ay nasa ₱380 mula sa dating ₱360 at ang medium box ng Sapin-sapin ay nasa ₱220 na mula sa dating ₱200.
Katuwiran ng mga nagtitinda ng kakanin, no choice sila kundi magtaas dahil kailangan nilang bawiin ang itinaas sa presyo ng mga sangkap kaya’t humihingi sila ng pang-unawa sa kanilang mga parokyano.
Pero sa kabila niyan, unti-unti nang sumisigla ang bentahan ng kakanin lalo’t kaliwa’t kanan na rin ang mga Christmas party at inaasahan na magtutuloy-tuloy na ito hanggang Bagong Taon. | ulat ni Jaymark Dagala