Umaasa ang Philippine National Police (PNP) na wala nang maitatalang kaso ng indiscriminate firing sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Pero sa kabila nito, sinabi ni PNP Public Information Office Chief, PBGen. Jean Fajardo na mahigpit pa rin silang nakabantay lalo’t pinaigting pa nila ang ginagawang mga hakbang upang tiyaking ligtas at mayapaya ang pagsalubong sa 2025.
Sa katunayan, isang lalaking sakay ng motorsiklo ang naaresto sa Brgy. Pambuan sa Gapan City sa Nueva Ecija makaraang mahulihang may bitbit na baril nang maharang ito sa isang anti-criminality checkpoint.
Bigo ang naturang motor rider na makapagpakita ng kaukulang dokumento sa nakitang 9mm na pistola na kargado ng 6 na bala, dahilan upang siya’y arestuhin at kasuhan ng paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Gayunman, sinabi ni Fajardo na naniniwala ang PNP marami pa rin ang mga responsableng gun owner partikular na ang mga Pulis kaya’t wala nang naging pangangilangan pa upang selyuhan ang kanilang mga baril. | ulat ni Jaymark Dagala