Ikinagulat ng maraming pasahero ng Light Rail Transit (LRT) Line 2 ang libreng sakay na handog ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong araw.
Ayon sa mga tauhan ng LRT2, dumagsa ang mga pasahero kaninang alas-7 ng umaga, sa kasagsagan ng pasok ng mga empleyado at ilang estudyante.
Batay sa fare matrix, Php 15 ang minimum na pasahe sa LRT Line 2 habang Php 30 ang pasahe mula Antipolo hanggang Recto stations.
Bukod sa LRT Line 2, libreng sakay din ang handog ng LRT Line 1 mula Fernando Poe Jr. station sa Quezon City hanggang Dr. A. Santos Avenue station sa Parañaque.
Ayon kay Pangulong Marcos, ang inisyatibong ito ay simpleng paraan para maibsan ang gastos ng ating mga kababayang abala sa paghahanda para sa Pasko.
Tinataya namang aabot sa 1.1 milyong pasahero ang sasakay sa mga linyang nabanggit, na pinakamataas na ridership na naitala ngayong taon. | ulat ni Jaymark Dagala