Hindi hahadlangan ng Philippine National Police (PNP) ang mga pulis na magnanais humarap gayundin ay makipagtulungan sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC).
Ito’y may kaugnayan pa rin sa ikinasang “war on drugs” ng nakalipas na administrasyong Duterte.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Brig. Gen. Jean Fajardo, malaya naman ang mga pulis na gawin ang hakbang basta’t ito’y sa kanilang personal na kapasidad.
Gayunman, nilinaw ni Fajardo na hindi magbibigay ng dokumento o direktang makikipagtulungan ang PNP sa ICC bilang isang institusyon.
Alinsunod ito sa tindig ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi makikipagtulungan sa ICC dahil sa usapin ng hurisdiksyon. | ulat ni Jaymark Dagala