Pinapurihan ng Philippine National Police (PNP) ang mga tauhan nito sa Police Regional Office 5 (Bicol) sa pag-alalay nito sa mga motoristang nabalam ang biyahe dahil sa pagkasira ng bahagi ng Andaya Highway sa Camarines Sur.
Ayon kay PNP Chief, Police General Rommel Francisco Marbil, hindi matatawaran ang ginawang pagsasakripisyo ng kanilang mga tauhan na sa kabila ng pagdiriwang ng Pasko ay pinili pa ring unahin na tuparin ang mandato na pagsilbihan ang publiko.
Binigyang diin pa ni Marbil, na kung hindi aniya sa pagtutulong-tulungan ng iba’t ibang ahensya ng pamahaaan kabilang na ang mga pulis ay hindi maisasaayos ang mabigat na daloy ng trapiko.
Una rito, nagpakalat pa ang PNP Highway Patrol Group (HPG) ng mga karagdagang tauhan para maibsan ang paghihirap ng mga motoristang inabutan na ng Noche Buena sa daan para makarating sa kanilang pupuntahan.
Bukod sa pagmamando ng trapiko ay umalalay din ang PNP sa pagbabantay ng mga kagamitan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para tiyaking hindi mabalam ang ginagawa nilang pagkukumpuni sa lansangan. | ulat ni Jaymark Dagala