Pinaalalahanan ng Office of Civil Defense (OCD) ang mga residente sa Negros Occidental na mag-ingat at maging mapagbantay sa banta ng lahar flow mula sa Bulkang Kanlaon, kasabay ng inaasahang malakas na pag-ulan sa Visayas Region.
Ayon kay Raul Fernandez, Director ng OCD Western Visayas at pinuno ng Regional Task Force Kanlaon, kailangang maging alerto at handa ang mga residente habang papalapit ang masamang panahon.
Batay sa datos ng OCD, mahigit 640,000 mga residente mula sa 162 barangay sa Negros Occidental ang posibleng maapektuhan ng volcanic hazards.
Kabilang sa mga lugar na ito ang Bago City, La Carlota City, Pontevedra, Pulupandan, San Enrique, Valladolid, Binalbagan, Himamaylan City, Hinigaran, Isabela, La Castellana, at Moises Padilla.
Pinaaalahanan din ng OCD ang mga residente, na manatiling nakasubaybay sa mga weather bulletin ng PAGASA, alamin ang mga evacuation center, at iwasan ang mga lugar na malapit sa ilog at mga daanan ng lahar. | ulat ni Diane Lear