Nagpapatuloy pa rin ang paghahatid ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lugar sa Western at Central Visayas na nakaranas ng epekto ng pag-alburoto ng Bulkang Kanlaon.
Ayon sa DSWD, aabot na sa ₱52 milyon ang halaga ng humanitarian assistance na naihatid nito sa mga apektadong residente.
Kabilang dito ang family food packs para sa higit 14,000 indibidwal na nananatili sa evacuation centers.
As of Dec. 26 naman, umakyat pa sa 11,883 pamilya o 45,526 na indibidwal ang naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Kanlaon.
Nananatili namang available ang nasa ₱2 bilyong stockpiles at standby funds kung sakaling matatagalan pa ang epekto ng pag-alburoto ng bulkan sa Negros. | ulat ni Merry Ann Bastasa