Nakalatag na rin ang security measures ng Quezon City Police District (QCPD) para sa pagsisimula ng Simbang Gabi sa December 16.
Ayon kay Police Captain Febie Madrid, spokesperson ng QCPD, aabot sa 2,000 mga pulis ang ide-deploy para umalalay sa mga maagang magtutungo sa mga simbahan at sa buong panahon ng Kapaskuhan.
Bukod sa mga simbahan, ikakalat ang mga tauhan sa mga matataong lugar tulad ng mga malls, bus terminal, at major thoroughfares sa Quezon City.
Maglalagay din aniya ang QCPD ng Police Assistance Desk sa mga strategic locations upang mabilis na makaresponde ang mga Kapulisan sa anumang emergency.
Dagdag pa ni Madrid, mayroon ding mga Police personnel ang magsasagawa ng monitoring sa mga subdivision lalo na sa mga bahay na naiiwang walang tao dahil nakabakasyon ngayong holiday season. | ulat ni Merry Ann Bastasa