Umabot na sa mahigit 500,000 piraso ng iligal na paputok ang nakumpiska ng Philippine National Police (PNP) sa buong bansa. Ito ay batay sa PNP Ligtas Paskuhan Monitoring as of 6 AM ngayong araw.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo, tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P2.5 milyon ang mga nakumpiskang paputok na nagresulta sa pagkakaaresto ng 34 na indibidwal.
Nasa 172 naman ang naitalang nasugatan dahil sa paputok.
Samantala, nakapagtala rin ang PNP ng 18 insidente ng indiscriminate discharge of firearms kung saan13 indibidwal ang naaresto, at apat naman ang naitalang tinamaan ng ligaw na bala.
Dagdag pa ni Fajardo, inatasan na ni PNP Chief General Rommel Francisco Marbil ang mga pulis, na tiyaking ligtas at mapayapa ang pagdiriwang ng Bagong Taon kabilang na ang pagtugon sa mga emergency gaya ng firecracker-related incidents.
Mahigpit ding pinaalalahanan ang mga pulis na huwag gamitin ang kanilang service firearms sa ano mang selebrasyon. | ulat ni Diane Lear