Nagiging hamon ang force evacuation sa loob ng 6-kilometer radius danger zone ng Bulkang Kanlaon dahil maraming residente ang nag-aatubiling lumikas sa takot na manakawan ng kanilang mga ari-arian.
Ayon kay Defense Secretary Gilberto Teodoro, Chairperson ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), hanggang ala-una ng hapon kahapon, sa target na 54,000 indibidwal 11,000 pa lamang ang nailikas mula sa naturang lugar.
Marami sa mga residente, partikular sa mga bayan ng La Castellana at Canlaon, ang nag-aalala na maaaring manakaw ang kanilang mga alagang hayop at ari-arian kung iiwanan nila ang kanilang mga tahanan.
Patuloy naman ang panghihikayat at pagbibigay ng katiyakan ng mga lokal na pamahalaan sa mga residente, na may magbabantay sa kanilang mga bahay at alagang hayop habang sila ay nasa evacuation centers.
Paliwanag ng NDRRMC, kinakailangang mailikas kaagad ang mga naninirahan sa loob ng danger zone dahil sa posibilidad ng paglala ng sitwasyon at muling pagputok ng bulkan.
Dagdag pa rito, binigyang-diin ng ahensya ang banta ng lahar flow dulot ng malakas na pag-ulan noong nakaraang gabi, na maaaring magdulot ng karagdagang panganib sa mga residente. | ulat ni Diane Lear