Sa botong 17 na senador ang pumabor, isang tutol at walang nag-abstain, pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng senado ang Senate Bill 2898 o ang panukalang batas na layong palawigin sa 99 years ang Land Lease Limits sa mga dayuhang mamumuhunan sa bansa mula sa kasalukuyang 75 years.
Sa ilalim rin ng naturang panukala ay pinahihintulutan ang mga foreign investor na parentahan rin sa iba ang properties na inuupahan na nila sa dito sa bansa maliban na lang kung pinagbabawal ito sa pinirmahan nilang kontrata.
Matatandaang sa ilalim ng konstitusyon, bawal magmay-ari ng lupa sa Pilipinas ang mga dayuhan kaya hanggang pagrerenta lang ang pwede nilang gawin.
Ang panukalang ito ay kabilang sa mga priority bills ng Marcos Administration.
Layon ng panukala na amyendahan ang 31-year old nang Investors’ Lease Act na nagtatakda na maaaring umupa ng private land ang foreign investors sa loob ng 50 years at pwedeng i-renew ng hanggang 25 years.
Itinatakda ng panukalang batas na ang uupahang private land ng foreign investors ay pwedeng gamitin para sa agriculture, agroforestry, at ecological conservation.
Tutol naman sa panukala si Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros dahil sa pangamba ng maaaring maging epekto nito sa mga maliliit na mga magsasaka na aniya’y dehado sa mga kontrata sa mga korporasyon.
May posible rin aniyang implikasyon ito sa national security ng Pilipinas, lalo na sa gitna ng geo-political situation ngayon. | ulat ni Nimfa Asuncion