Pinaalalahanan ng PNP-Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA) ang mga pribadong security agency at personnel na tumulong sa pagpapanatili ng seguridad at kaayusan sa kani-kanilang nasasakupan.
Ito’y kasunod na rin ng inaasahang pagdagsa ng publiko na magsisipagbakasyon ngayong holiday season.
Ayon sa PNP-SOSIA, magsisilbing force multipliers ang mga private security personnel na nakatutok sa pagmamando ng trapiko lalo na sa mga patungong terminal, paliparan, pantalan, tourist destinations at iba pang matataong lugar.
Ibinabala rin ng SOSIA na maraming posibleng magsamantala sa dagsa ng tao para maghasik ng gulo.
Kaya mahalaga ang aktibong pakikiisa ng mga ito upang mapanatiling ligtas at mapayapa ang pagdiriwang ng Pasko.
Mahigpit din ang paalala ng SOSIA sa mga ito na gampanan ang tungkulin nang may paggalang sa karapatang pantao, pagiging disiplinado at maging alerto sa kabila ng pagiging mahinahon. | ulat ni Jaymark Dagala