Nakapagtala ang Philippine National Police (PNP) ng 15 kaso ng indiscriminate discharge of firearms mula December 16 hanggang alas-6 ng gabi noong December 29.
Batay sa tala ng PNP, pinakamarami sa mga insidente ay naitala sa Region 4A o CALABARZON na may anim na kaso, sinundan ng National Capital Region na may apat na kaso, dalawa sa Region 7 o Central Visayas, at tig-isa sa Regions 9, 11, at Cordillera.
Nasa 10 indibidwal naman ang naaresto kabilang ang isang security guard, isang pulis, at isang tauhan ng Bureau of Corrections. Siyam na armas ang nakumpiska habang apat na indibidwal ang naitalang nasugatan dahil sa mga insidente.
Samantala, apat na kaso ng stray bullets ang iniulat ng PNP: tatlo rito ay mula sa NCR habang isa naman ay mula sa Region 9 na tinamaan sa balikat. Agad itong isinugod sa ospital at nabigyan ng agarang lunas.
Patuloy na isinasailalim ng PNP-Forensic Group sa cross-matching ang mga nakuhang slug upang matukoy ang mga pinagmulan nitong baril. | ulat ni Diane Lear