Pinagtibay ng Korte Suprema ang naunang desisyon nito na hindi sakop ng Republic Act 8371 o Indigenous Peoples Rights Act of 1997 ang Baguio City pagdating sa ancestral claims.
Sa resolusyong isinulat ni Senior Associate Justice Marvic Leonen, ibinasura ng SC En Banc ang motion for reconsideration ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at ng mga tagapagmana nina Joan Gorio at Lauro Carantes.
Ayon sa SC, saklaw ng Section 78 ng IPRA na mananatili ang Baguio City sa ilalim ng sarili nitong charter at designation bilang Townsite Reservation, kaya’t hindi maaaring ipatupad dito ang batas ng IPRA ukol sa ancestral domains.
Dagdag pa rito, kinilala ng SC na maaaring patunayan ng mga katutubo ang “native title” kahit nasa Baguio ito kung mapapatunayang tuloy-tuloy ang kanilang okupasyon sa lupa mula noon hanggang ngayon.
Ngunit, bigong patunayan ng mga tagapagmana ng Carantes ang tuloy-tuloy na okupasyon sa nasabing lupa, dahilan upang ibasura ang kanilang mosyon. | ulat ni EJ Lazaro