Nakahanda si Senador Juan Miguel Zubiri na maghain ng panukalang batas na magbibigay daan sa pagkakaroon ng plebesito sa sulu para matanong ang mga residente doon kung gusto nilang mapasama sa Bangasamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon kay Zubiri na noong unang ginagawa ang BARMM ay tumanggi ang mga taga-Sulu na mapasama sa rehiyon pero halos anim na taon na ang nakakaraan mula noon.
Ngayon aniya, kapag kinausap ang mga taga-Sulu ay nais na nilang mapasama sa BARMM dahil sa laki ng naitutulong sa kanila nito.
“Ang gusto ko sana, magfi-file ako in the next couple of days, we’re going to file a bill on plebicite for Sulu. Diba they voted and rejected it. But that was close to six years ago. Now pag kausap mo yung leadership ng Sulu, gusto po nila na mapasama sa BARMM kasi napakalaki po ng naibibigay sa kanila na grant. We want to give them an opportunity.” ani Zubiri.
Noong Setyembre, pinagtibay ng Korte Suprema (SC) ang konstitusyonalidad ng Republic Act No. 11054, o ang Bangsamoro Organic Law, na lumikha ng BARMM.
Gayunpaman, ipinasiya nito na ang Sulu ay hindi bahagi ng BARMM dahil sa pagtanggi ng lalawigan sa ratipikasyon ng batas sa isang plebesito.
Pinunto ni Zubiri na sa ipinasa nilang Bangsamoro Organic Law (BOL), may opt in provision na nagsasaad na pwedeng muling maghain ng panukalang batas para maisama ang isang lugar sa BARMM sa pamamagitan ng pagsasagawa ng plebesito.
Ginawa ni Zubiri ang pahayag na ito kasabay ng paglulunsad niya ng coffee table book tungkol sa pagbuo ng BOL. | via Nimfa Asuncion