Pinuna ni House Committee on Civil Service and Professional Regulations Chair Kristine Alexie Tutor ang maraming teaching colleges na may mababang passing rate sa Professional Regulations Commission o PRC.
Ayon kay Tutor, base sa pinakabagong datos ng PRC, napakarami pa rin mga kolehiyo ang mababa ang kalidad ng edukasyon para sa mga guro.
Aniya tila maliit palang ang progreso sa pagsisikap ng Commission on Higher Education na mapaunlad ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
Paliwanag ni Tutor, ang ugat ng problema ay ang sobrang dami ng kolehiyo na may teacher education programs, gaya ng sa elementary na may 1,324 na programa, ngunit marami sa mga ito ang iilan lang ang pumapasa.
Panukala ng lady solon na magsagawa ng qualifying examination bago umakyat sa ikatlong taon sa kolehiyo.
Hinikayat din niya ang CHED na magtaguyod ng mergers o consolidation sa mga kolehiyo, lalo na sa mga probinsya, upang makamit ang economies of scale na makatutulong sa pagpapahusay ng kanilang operasyon. | ulat ni Melany Reyes