Naging matiwasay ang simula ng siyam na araw na Simbang Gabi sa Quezon City, ayon yan sa Quezon City Police District (QCPD).
Ayon sa QCPD, natapos nang matiwasay at walang naiulat na anumang insidente sa pagsisimula ng tradisyunal na Misa de Gallo.
Kabilang sa minonitor ng QCPD ang ilan sa pangunahing simbahan sa QC kabilang ang St. Peter Parish sa Commonwealth, Christ the King Church sa Green Meadows, St. Claire Monastery, at St. Joseph Church sa Cubao.
Una nang nagdeploy si QCPD Chief Police Colonel Melecio M. Buslig Jr., ng 216 police personnel, kasama ang karagdagang 264 na force multipliers na itinalaga sa mga strategic areas sa lungsod upang matiyak ang kaligtasan ng mga deboto.
Nakatuwang din ng QCPD ang lokal na pamahalaan ng Quezon City, mga opisyal ng barangay, at mga ahensya tulad ng Department of Public Order and Safety (DPOS), Traffic and Transport Management Department (TTMD), at Metro Manila Development Authority (MMDA).
“Proud akong iulat na ang unang araw ng Simbang Gabi ay natapos nang mapayapa. Ngunit, hindi dito nagtatapos ang aming trabaho. Mananatili kaming nakatuon sa pagpapanatili ng mga hakbang sa seguridad na nag-ambag sa tagumpay na ito sa kabuuan ng siyam na araw ng Simbang Gabi,” pahayag ni Police Colonel Melecio Buslig Jr.
Kasunod nito, nanawagan naman si Buslig sa patuloy na kooperasyon ng publiko upang matiyak ang makabuluhang pagdiriwang ng kapaskuhan. | ulat ni Merry Ann Bastasa