Pinadalan na ng subpeona ng National Bureau of Investigation (NBI) si Vice President Sara Duterte kaugnay ng panibagong imbitasyon nito sa December 11, 2024.
Ito ay matapos ang hindi pagsipot ng bise presidente noong November 29.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, ito ay natanggap na ng partido ng ikalawang pangulo, at inaasahan ang pagdalo nito sa December 11.
Kaugnay nito ayon pa kay Santiago, nagpadala na rin sila ng subpoena sa mga aktibong nakibahagi sa online press conference ni VP Sara Duterte, dalawang Sabado na ang nakalipas nang sabihin ng bise presidente na pag may nangyari sa kanya may nakontak na siya para ipapatay ang Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Kabilang sa mga ipapatawag ng NBI si dating Press Secretary Trixie Cruz Angeles.
Sinabi pa ni Atty. Santiago na naka iskedyul ang pagharap ng apat na personalidad kada araw simula Miyerkules hanggang Biyernes.
Nais malaman ng NBI kung ano talaga ang nangyari sa naturang press con, para na din makadagdag sa kinakalap nilang impormasyon kaugnay ng ginagawa nilang motu proprio investigation. | ulat ni AJ Ignacio