Nahaharap sa kasong cyber libel ang dalawang vlogger kabilang na ang dating mamamahayag na si Jay Sonza.
Ito ang kinumpirma ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director, Police Brigadier General Nicolas Torre III ngayong hapon kasabay ng kanilang ika-72 anibersaryo.
Ayon kay Torre, ilan lamang ang dalawa sa mga sinampahan nila ng kaso dahil sa pagpapakalat ng maling impormasyon laban sa kaniya.
Ito ay dahil aniya sa mga ipinakalat na larawan niya sa social media hinggil sa pagkakaratay niya sa ospital, na nakaaapekto na aniya sa kaniyang pamilya at mga kaibigan.
Magugunitang kinasuhan din ni Torre noong isang linggo ang vlogger na si ex-Army Capt. Clemente ‘Dado’ Enrique ng inciting to sedition, dahil sa mga pahayag nito na humihikayat sa publiko na mag-aklas laban sa pamahalaan. | ulat ni Jaymark Dagala