Ibinaba na ng Department of Human Settlements and Urban Development ang taunang pagtaas ng buwanang bayad sa renta ng mga residential units sa buong bansa.
Epektibo mula Enero 1 hanggang Disyembre 31, 2025 ay 2.3% na lamang ang maaring idagdag na pagtataas ng mga may-ari ng paupahang bahay.
Mas mababa ito mula sa dapat ay 4% increase katulad noong nakalipas na taon.
Ayon kay DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar Jr., ipinasa ng DHSUD National Human Settlements Board ang resolusyon noong Disyembre batay sa rekomendasyon ng National Economic and Development Authority.
Sinabi ni Acuzar, saklaw ng rental cap ang mga paupahan na sumisingil ng Php 10,000 o mas mababa pang upa kada-buwan at hindi kasama ang mga apartment o bahay o anumang paupahan na mas mataas ang monthly rental.
Ang pagbabawas ng renta ay ipatutupad upang protektahan ang mga nasa mas mababang antas ang kita mula sa labis-labis na pagtaas ng renta, alinsunod na rin sa Republic Act No. 9653 o ang Rent Control Act of 2009. | ulat ni Rey Ferrer