Naharang ng Bureau of Immigration (BI) ang isang babaeng biktima ng scam sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Base sa report ni BI Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) Chief Mary Jane Hizon, ang biktima na kinilala sa alyas Amy, 27 yrs. old, ay naharang noong January 2, 2025 matapos tangkaing i-bypass ang inspeksyon ng immigration at nagkunwaring turista na patungong Bangkok.
Sa pag-inspeksyon, hindi niya maipakita ang kanyang pasaporte at boarding pass, na sinasabing hawak ito ng hindi kilalang lalaki na nakilala niya sa isang restaurant malapit sa terminal.
Ipinakita ng biktima ang larawan ng kanyang pasaporte at boarding pass na nakitaan ng pekeng immigration stamp.
Inamin ni alyas Amy na nakita niya ang isang post sa Facebook na nag-a-advertise ng mga serbisyo ng immigration escort at nagbayad siya ng P120,000 sa online bank transfer.
Sinabi ni BI commissioner Anthony Viado na posebling si alyas Amy ay naakit o nabiktima ng isang mail-order bride syndicate. | ulat ni Lorenz Tanjoco