Bilang bahagi pa rin ng pagsisikap na maibaba pa ang presyo ng bigas sa merkado, pinaplano na ng Department of Agriculture ang pagpapatupad ng maximum suggested retail price (MSRP) sa mga imported na bigas.
Sa isang panayam, iginiit ni Agriculture Sec. Francisco Tiu-Laurel Jr. na wala na dapat P60 na kada kilong imported rice na nakikita sa merkado dahil maituturing na itong ‘profiteering’
Ayon sa kalihim, sa pamamagitan ng MSRP, matutukoy kung hanggang magkano lang dapat ang pinakamataas na bentahan ng imported rice.
Nakatakda nang makipagpulong ang kalihim sa Department of Trade and Industry, Bureau of Plant Industry, at Bureau of Internal Revenue para maisapinal ang MSRP.
Tinatarget din ng kalihim na mailabas ang guidelines ukol dito bago matapos ang Enero.
Una nang nakipagpulong si Sec. Tiu-Laurel sa rice importers para mapanatili ang abot kayang presyo ng bigas sa mga mamimili. | ulat ni Merry Ann Bastasa