Nakatayo na ang Emergency Field Hospital ng Philippine Red Cross (PRC) upang umalalay sa mga debotong mangangailangan ng agarang atensyong medikal sa kasagsagan ng Traslacion 2025.
Sa pulong balitaan sa Mandaluyong City, sinabi ni Red Cross Chairman at CEO Richard Gordon na matatagpuan ang Emergency Field Hospital sa likod ng monumento ni Gat Andres Bonifacio o mas kilala bilang Kartilya ng Katipunan malapit sa Manila City Hall.
Mayroon itong 50 kama at kumpleto rin ng kagamitan gaya ng patient monitoring apparatus, dextrose, oxygen tank at nebulizer.
Dito, kayang tugunan ang mga pangkaraniwang nararanasan ng mga debotong dumadalo sa Traslacion gaya ng high blood pressure, hypoglycemia, asthma gayundin ang pagkakasugat dahil sa paglalakad ng nakayapak.
Una rito, sinabi ng Red Cross na may 17 first aid stations din silang inilagay sa rutang daraanan ng prusisyon upang makapagbigay agad ng first aid sa sandaling kailanganin. | ulat ni Jaymark Dagala