Desidido ang Kamara na matukoy kung sino ang may hawak ng kapangyarihan sa pagpapatakbo ng NGCP.
Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Acec Barbers, mahalaga na maisumite ng NGCP ang shareholders’ agreement ng State Grid Corp. of China (SGCP) at iba pang Filipino-Chinese partners.
Aniya ito kasi matutukoy kung Pilipino o Chinese ba ang may hawak ng kontrol at pamamahala sa nagiisang grid operator sa bansa.
“The reason why I feel that that document is very important in this inquiry is because we like to determine sino ba talaga ang nagko-control ng NGCP? Is it run, controlled, managed, operated by the Chinese? Or is it really the Filipino? Very crucial ito Mr. Chair, because we like to determine up to what extent thus the foreign incorporators or counterpart have influence over the management operation and control of this corporation.” saad ni Barbers matapos mabigo ang NGCP na isumite ang naturang dokumento.
Depensa naman ni Atty. Lilly Mallari, abogado ng NGCP, hiningi rin ng Senate Committee on Energy ang kaparehong dokumento ngunit hindi aniya nila maibigay dahil sa sakop ito ng confidentiality salig sa Alternative Dispute Resolution Law.
Bilang ito aniya ay bahagi ng arbitration case sa Singapore kasama ang NGCP, PSALM at Transco.
Ngunit paalala ni Parañaque City Rep. Gus Tambunting, chair ng komitee na hindi sakop ng naturang batas ang mga imbestigasyon in aid of legislation.
Hirit naman ni Deputy Speaker David Suarez na December 23 pa niya hinihingi ang naturang mga dokumento.
Kaya naman ipina-subpoena na ni Suarez ang naturang mga dokumento, binigyan naman ang NGCP ng isang linggo para tumalima.
40% ng NGCP ay pagmamay-ari ng Chinese firm na SGCP at ang 60% ay Filipino partners. | ulat ni Kathleen Forbes