Umakyat na sa apat ang kabuuang bilang ng mga nasawi sa pagsalubong ng Bagong Taon, ayon sa pinakahuling tala ng Department of Health (DOH) ng mga firecracker-related injuries.
Pinakabagong biktima ang isang 54-ayos na lalaki mula sa Region 4A matapos masabugan ng kwitis. Nagdulot ito ng matinding pinsala sa kanyang kaliwang kamay at kalaunan ay nauwi sa kanyang pagkasawi. Dahil dito, mayroon ng tatlong namatay dahil sa paggamit ng paputok, habang isa naman ang dahil sa ligaw na bala.
Batay pa sa datos ng DOH, umabot na sa 832 ang total cases ng firecracker-related injuries mula Disyembre 22, 2024 hanggang ngayong araw, Enero 5, 2025. Ito ay 37% na mas mataas kumpara sa 606 na kaso na naitala noong parehong panahon ng nakaraang taon.
Sa mga biktima, 491 ay edad 19 pababa habang 341 naman ay 20 pataas. 685 ang mga lalaki at 147 naman ang mga babae. Kwitis pa rin ang nangungunang sanhi ng mga pinsala sa mga biktima, na sinundan ng 5-Star at boga.
Paalala ng DOH, iwasan ang paggamit ng paputok, lalo na ng mga bata. Agad magtungo sa ospital kung may aksidente dulot ng paputok, at tumawag sa 911 o 1555 para sa tulong sa panahon ng emergency. | ulat ni EJ Lazaro