Sigurado na ang pondo para sa libreng human papilloma virus (HPV) vaccine na ibibigay ng Marcos Administration para sa mga kabataang babae na nasa edad siyam na taong gulang.
Ito ayon kay Health Secretary Ted Herbosa ay bahagi ng pinalakas na hakbang na protektahan ang mga kababaihan, laban sa cervical cancer.
“Pinondohan na ako ni President for 2025. For 2025, we can vaccinate all Filipina girls and ang effect niyan mawawala ang cervical cancer.” -Herbosa
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ng kalihim na malaking bagay ang hakbang na ito, lalo’t mahal ang HPV vaccines.
Nasa P4,000 aniya ang halaga nito kada isang dose, at mangangailangan ng tig-dalawang dose ang isang 9-year old na bata.
Sabi ng kalihim, magri-resulta ito sa pagbaba ng kaso ng cervical cancer sa bansa.
Tulad aniya ng ginawa ng ibang bansa na matagumpay na natuldukan ang kaso ng cervical cancer, isusunod rin nila ang pagbibigay ng HPV vaccine sa mga batang lalaki.
“Kailangan ko pa ma-vaccine ang mga lalaki, kasi inn other countries na napabagsak talaga nila ang cervical cancer, pati boys, binigyan nila.” -Herbosa | ulat ni Racquel Bayan