Nakatakdang maglabas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng memorandum circular na mag uutos sa mga transport network vehicle services (TNVS) na pasanin ang 20% discount sa mga estudyante, persons with disabilities (PWDs) at mga senior citizen.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services, sinabi ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III na lalamanin ng kautusan ang pagbabawal sa mga TNVS company na ipasagot sa kanilang mga driver ang 20% discount na itinatakda ng batas.
Ibinahagi ni Guadiz na sa ginawang pagdinig ng LTFRB ay napag-alamang may TNVS na sumasagot sa 40% ng discount sa pamasahe habang 60% ang sagot ng mga operator.
May ilan naman aniyang 80-20 ang hatian kung saan 80% sa mga TNVS company at 20% ang sa mga operator.
Pero dahil sa reklamo ng ilang mga driver na sila ang sumasalo sa discount, sinabi ng LTFRB chairman na maglalabas sila ng resolusyon para tugunan ang panawagan na i-refund ang mga driver.
Sinabi rin ni Guadiz sa pagdinig na nirerepaso na nila ang surge fee na inirereklamong nagpapataas ng pamasahe sa TNVS at bumubuo na ng formula kung paano ito paghahatian ng mga TNVS company at ng mga driver. | ulat ni Nimfa Asuncion