Malaki ang posibilidad na mabasura ang kandidatura ni Cabuyao City Councilor Richard “Dondon” Hain, na tumatakbo bilang kongresista ng 2nd District ng Laguna para sa halalan sa Mayo 12, dahil na rin sa mga paglabag niya sa umiiral na Omnibus Election Code ng bansa.
Ito ay matapos na pormal na magsampa ng reklamo laban sa kanya ang kampo ng mag-asawang incumbent Gov. Ramil Hernandez at Congresswoman Ruth Hernandez sa Comelec nitong Martes ( Enero 14).
Nais nilang paimbestigahan si Hain dahil na rin sa ayon sa kanila ay iba’t ibang uri ng paglabag nito at ng kanyang grupo sa umiiral na Omnibus Election Code.
Isa sa mga kasong isinampa nila ay perjury dahil umano sa iligal na pangungumbinsi niya at ng kanyang mga kapwa-akusado na patakbuhin sa mga posisyon sa pagka-kongresista at gobernador ang ilang ordinaryong mga mamamayan sa kanilang distrito na may mga apelyidong Hernandez.
Base sa paliwanag ng mga abogado ng mag-asawa, hinikayat umano ng grupo ni Hain na tumakbo ang mga residente na sina Jemma Hernandez, na gumamit ng alias Rose, sa kanyang Certificate of Candidacy (COC) para sa pagka-gobernadora noong Oktubre ng nakaraang taon.
Kasama din ang kapatid niyang babae na si Winy, na gumamit naman ng alyas na Ram sa kanyang kandidatura bilang kongresista, at Dante Hernandez na gumamit naman ng alyas na Romeo sa kanyang COC bilang kongresista rin ng 2nd District.
Nakumbinsi umano ang mga nasabing indibidwal na maging mga panggulong kandidato kapalit ng napalaking halaga na sinasabing umabot P1 milyon ang bawat isa.
Ang layunin umano ng pagtakbo nila ay upang guluhin at lituhin ang isipan ng mga botante ng mag-asawang Hernandez at sa ganun ay mapawalang bisa ang mga boto para sa kanila sa darating na halalan sa Mayo 12.
Sa kabutihang palad ay una ng idineklarang nuisance candidates ng 2nd Division ng COMELEC ang mga nasabing indibidwal matapos matapunayan na wala silang kakayahang magasagawa ng totohanan at seryosong pangangampanya.
Maraming testigo rin ang mga lumabas at nagsabing hindi naman talaga iyon ang kanilang mga alias at hindi nila ginamit ni minsan ang nasabing mga pangalan bago pa sila mag-file ng Certificates of Candidacy.
Maliban doon ay isa pang kaso ang isinampa ni Gob. Hernandez dahil sa paglabag ni Hain at ng kanyang mga kapwa akusado sa Section 45 (A) ng Republic Act No. 8189 na kilala rin sa “An Act Providing for a General Registration of Voters, and Adopting a System of Continuing Registration”.
Mga respondent sa kaso sina Hain at Winy Hernandez, Asia Torres ng Brgy. Putho Tuntungin, at Jeck Vargas ng Brgy. Maahas parehong sa Los Banos, Laguna.
Sa kaniyang parte ay nagsampa rin si Cong. Hernandez ng kaso laban kay Hain at mga kasapakat nito kaugnay sa paglabag ng Section 74 (2) na may kaugnayan sa Section 264 ng BP881 na mas kilala sa Omnibus Election Code of the Philippines. | ulat ni Michael Rogas