Hinimok ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Rommel Francisco Marbil na magkaisa para protektahan ang integridad at dignidad ng papalapit na 2025 mid-term elections.
Ito ang tinuran ng PNP Chief nang pangunahan nito ang lingguhang flag-raising ceremony sa Kampo Crame ngayong unang Lunes ng taon.
Binigyang diin ni Marbil ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga pulis, sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa panahong ito ng halalan.
Kaya naman kinakailangan sa mga panahong ito ang pagkakaisa sa hanay ng pulisya, upang mapanatili ang tiwala gayundin ang respeto ng taumbayan.
Sa kabila aniya ng pagtupad nila sa tungkulin, binigyang diin ni Marbil na hindi dapat magpaapekto sa ingay pulitika ang mga pulis.
Ginawa ng PNP Chief ang pahayag, kasabay ng opisyal na pag-iimprenta ng mga balota para sa darating na halalan sa buwan ng Mayo. | ulat ni Jaymark Dagala