Dahil sa ilang insidente ng karahasan sa lalawigan ng Samar nitong mga nakaraang taon, nakatakdang mag-deploy ng karagdagang pwersa ang Philippine National Police sa lalawigan ng Samar ngayong darating na 2025 midterm elections.
Sa panayam kay Samar Police Provincial Office (SPPO) Provincial Director PCol. Antonietto Eric A. Mendoza, iginiit nitong dahil sa kasaysayan ng karahasan partikular sa unang distrito ng Samar nitong mga nakaraang taon ay meron na silang iminungkahi deployment ng karagdagang pwersa na tututok sa apat (4) na bayan at isang lungsod sa unang distrito kasama na dito ang Calbayog City, Matuguinao, Gandara, Sta. Margarita at San Jorge.
Kaugnay dito’y manggagaling aniya ang deployment mula sa PRO8 Special Action Force at Regional Mobile Force Company upang bantayan ang anumang uri ng karahasan at pananakot sa mga nabanggit na bayan.
Una nang inihayag ni dating PNP8 Regional Director Reynaldo H. Pawid na patuloy nilang binabantayan ang galaw ng mga gun-for-hire at private armed groups sa probinsya na kumpirmadong naghahasik ng karahasan sa mga nakaraang halalan. | ulat ni Rigie Malinao