Bantay sarado ng pwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Quezon City Police District (QCPD) ang People Power Monument sa EDSA, para tiyakin ang seguridad sa gitna ng inorganisang rally ng iba’t ibang grupong nananawagan ng aksyon sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Nasa higit 400 pulis ang nakabarikada sa paligid ng People Power Monument, dahil bagamat may permit ay hindi naman maaaring makalapit ang mga rallyista sa mismong monumento.
Kanina, nag-inspeksyon sa nakalatag na security measures si QCPD Chief Police Colonel Melecio M. Buslig, Jr.

Bukod sa pulis, nakatutok rin ang mga tauhan ng MMDA, at Quezon City Traffic and Transport Managemnt Department sa lagay ng trapiko sa lugar, partikular sa kahabaan ng White Plains Ave. kung saan ginaganap ang programa ng pro-impeachment groups.
Nagbukas rin muna ng zipper lane ang MMDA sa bahagi ng white plains para sa mga motoristang palabas ng EDSA.

Ito ay dahil sa bahagyang pagbigat sa volume ng mga sasakayan na dulot ng pagtitipon ng iba’t ibang grupo sa White Plains.
Inaasahang tatagal hanggang mamayang alas-12 ng tanghali ang pro-impeachment rally na anila ay bilang suporta sa tatlong impeachment complaints na inihain laban kay Vice President Sara Duterte. | ulat ni Merry Ann Bastasa