Bilang paghahanda sa National and Local Elections (NLE) ngayong 2025, ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa ilalim ng pamumuno ni Acting Regional Director Police Brigadier General Anthony A. Aberin, ay gagawa ng mga hakbang para matiyak ang seguridad ng publiko.
Ayon sa inilabas na pahayag ng NCRPO, simula nang ipatupad ng Commission on Election (COMELEC) ang election gun ban ay nakakumpiska na ang kanilang opisina ng 60 firearms at explosives, nakaaresto na ng 59 indibidwal dahil sa possession of illegal firearms.
Liban dito ay mas marami na rin umanong checkpoints ang isinasagawa, para maitaas ang antas ng seguridad at maiwasan ang pagkalat ng loose firearms sa kalakhang Maynila.
Ipinag-utos na rin ni PBGen. Aberin, ang mas matinding checkpoint operations na may koordinasyon sa Comelec.
Aniya, gagamitin ang naturang mga checkpoint para sa mas matinding security preparations para sa nalalapit na eleksyon.
Pero sa kabila nito ay pinaalalahanan naman ni Aberin ang kanyang mga tauhan, na mahigpit Na sundin ang Police Operational Procedures nang may respeto sa bawat Pilipino. | ulat ni Lorenz Tanjoco