Sama-sama ang mga ahensya ng Pamahalaan para tutukan ang seguridad at kaayusan ng buong Traslacion ng Poong Hesus Nazareno para sa taong 2025.
Ito’y makaraang paganahin na ang Multi-Agency Coordinating Center kasabay ng opisyal na pagsisimula ng mga aktibidad kaugnay ng Traslacion.
Ayon sa Metrpolitan Manila Development Authority (MMDA), matatagpuan ang Multi-Agency Coordinating Center sa mismong Basilika Minor at National Shrine o mas kilala bilang Quiapo Church.
Dito makikita ang real time na kuha ng CCTV sa ruta ng Traslacion, Communication Equipment na gagamitin sa koordinasyon ng mga ahensya ng Pamahalaan at iba pang kagamitan.
Ayon sa MMDA, magkakatuwang sa pagbabantay ng seguridad ang Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG) gayundin ang iba pang sangay ng Pamahalaan.
May inilatag ding first-aid stations para magbigay ng kaukulang atensyong medikal sa mga mangangailangan nito sa kasagsagan ng Traslacion. | ulat ni Jaymark Dagala