Paiigtingin pa ng Labor Department ang mga serbisyo at programa nito na may kinalaman sa pagtulong sa mga Pilipinong manggagawa, lalo na iyong mga kabilang sa vulnerable sector.
Ito ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma ang isa sa marching orders ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ginanap na unang full cabinet meeting ngayong 2025.
“Ang mahigpit na tagubilin ng Presidente – higit pang pag-ibayuhin iyong mga serbisyo at programa ng DOLE na may kinalaman sa pagtulong lalo na sa ating mga manggagawa at bulnerableng sektor.” – Laguesma
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ng kalihim na ipinaalala ng Pangulo na i-align ang mga programang ito sa 8-point socioeconomic agenda ng Marcos Administration.
“At iyon ang laging ‘ika nga’y ina-align o itinutukoy sa Department of Labor of Employment nang sa ganoon naman makatulong tayo doon sa 8-point socioeconomic agenda ng ating Pangulo.” -Laguesma
Pinatututukan rin aniya ni Pangulong Marcos ang pagsusulong pa ng mga de kalidad na quality jobs, pagpapababa ng poverty incidence, at pagkakaroon ng inclusive growth para mga manggagawa.
“Lalo na iyong may kinalaman sa quality jobs, reduction ng poverty incidence at saka iyong inclusive growth na sana ang atin pong mga manggagawa, lalo na ang ating pangkaraniwang mamamayan, wala pong maiwan.” -Laguesma | ulat ni Racquel Bayan