Hindi isinasantabi ng Philippine National Police (PNP) ang posibilidad na magpatupad ng signal jamming sa mga mobile phone o cellphone sa mismong araw ng Traslacion 2025.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Brig. Gen. Jean Fajardo, ito’y nakadepende sa isasagawang threat assessment sa January 9.
Kaya naman maaga pa lamang, hinihiling na ni Fajardo ang pang-unawa ng publiko sa sandaling biglang mawalan ng signal ang mga cellphone sa kasagsagan ng Traslacion.
Samantala, magpapatupad naman ng leap frogging ang PNP mula sa Quirino Grandstand hanggang sa mga ruta ng Traslacion upang sitahin at hulihin ang sinumang lalabag sa mga ipatutupad na panuntunan.
Kabilang na rito ang liquor ban gayundin ang pagbabawal sa pagdadala ng mga matatalas na bagay, pagsusuot ng sapatos, at pagdadala ng bag o iba pang mga bagay na magiging mitsa ng disgrasya sa kasagsagan ng prusisyon. | ulat ni Jaymark Dagala